Mananatiling naka-alerto ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa buong Semana Santa, sa kabila ng deklarasyon ng Abril 2 at 3 bilang regular holidays at Abril 4 bilang special non-working day, ayon sa Proclamation No. 1006, s. 2025.
Ayon sa DSWD, ang alerto ng ahensiya ay mananatili sa buong Holy Week upang tiyakin ang kaligtasan ng publiko at agad na makapagbigay ng tulong sa anumang emergency. Binanggit na bukas at handa ang DSWD Disaster Response Management Bureau at Disaster Response Command Center, gamit ang skeletal workforce para sa agarang pagtugon.
Tiniyak din ng ahensiya na may sapat na stock ng family food packs, non-food items, at pondo na maaaring ipamahagi anumang oras sa panahon ng emerhensiya. Pinabantayan ni DSWD Secretary Rex Gatchalian ang sitwasyon sa mga regional office upang masigurong handa ang bawat rehiyon, probinsiya, at munisipalidad sa anumang sakuna.
Giit ng DSWD, ang pangunahing layunin ngayong Semana Santa ay ang pagkamit ng zero-casualty at maayos na pagtugon sa mga posibleng emergency.














