Tiniyak ng Department of Foreign Affairs (DFA) na ang anumang posibleng joint oil and gas exploration ng Pilipinas at China, o ng iba pang bansa, ay isasagawa lamang alinsunod sa Konstitusyon ng Pilipinas at umiiral na mga batas.
Ayon sa DFA, nananatiling buo ang sovereign rights ng Pilipinas sa mga likas na yaman sa loob ng Exclusive Economic Zone (EEZ) at continental shelf, at hindi ito maaaring isantabi sa anumang kasunduan.
“Any decision to pursue, structure, or conclude an agreement on oil and gas cooperation, with China or any other foreign government, will be made solely in accordance with the Philippine Constitution and the country’s laws, jurisprudence and regulations, and in full assertion of its sovereign prerogatives,” pahayag ng DFA.
Inatasan umano ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang pamahalaan na pag-aralan ang lahat ng legal na opsyon upang mapalakas ang seguridad sa enerhiya sa gitna ng pandaigdigang krisis sa suplay ng langis at umiiral na energy concerns.
Binigyang-diin din ng ahensya na nananatiling mahalaga ang diplomasya sa pakikipag-ugnayan sa China, kabilang ang usapin sa enerhiya, habang patuloy na pinangangalagaan ang soberanya ng bansa.
Samantala, nilinaw ng DFA ang mga alegasyon ng kakulangan sa transparency sa negosasyon hinggil sa amendments ng memorandum of understanding (MOU) sa pagitan ng Philippine Coast Guard (PCG) at China Coast Guard (CCG).
“The DFA categorically rejects characterizations of these discussions as opaque, unilateral, or conducted without the PCG’s knowledge and participation,” ayon sa ahensya.
Ayon pa sa DFA, nagsimula na noong 2024 ang renegotiation ng 2016 agreement upang i-update ang umiiral na kasunduan, at alam ng lahat ng kinauukulang opisyal kabilang ang National Security Adviser at Philippine Coast Guard leadership ang mga pag-uusap.
Giit din ng DFA, limitado lamang ang saklaw ng mga pagbabago at hindi kabilang ang joint patrols o sensitibong operasyonal na kooperasyon.
“They aim to re-establish the Joint Coast Guard Committee as a formalized communication channel between the two coast guards,” dagdag pa nito.
Sa huli, binigyang-diin ng DFA na ang mga hakbang na ito ay alinsunod sa direktiba ni Pangulong Marcos na panatilihin ang komunikasyon sa China habang pinangangalagaan ang 2016 arbitral ruling at soberanya ng Pilipinas.













