Nakapagtala ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology, ahensya ng pamahalaan na nagmomonitor ng mga bulkan at lindol, ng panandaliang lava fountaining sa bunganga ng Mayon Volcano nitong Lunes ng gabi, ilang oras matapos maobserbahan ang minor strombolian activity.
Makikita sa sped-up camera footage ng PHIVOLCS ang pagbuga ng lava mula sa summit crater ng bulkan, na indikasyon ng patuloy na aktibidad nito.
Ayon sa pinakahuling datos ng ahensya, umabot na sa ika-98 araw ang tuloy-tuloy na effusive eruption ng Mayon, na may kasamang pagdaloy ng lava, pyroclastic density currents o “uson,” at madalas na rockfall.
Ipinaliwanag ng PHIVOLCS na ang mga ganitong aktibidad ay nagpapakita na nananatiling mataas ang antas ng unrest ng bulkan at may posibilidad ng mas mapanganib na pagsabog.
Dahil dito, patuloy na pinaaalalahanan ng ahensya ang publiko na nananatili ang Alert Level 3 sa Mayon Volcano.
Mahigpit ding ipinagbabawal ang pagpasok sa loob ng 6-kilometer permanent danger zone dahil sa banta ng biglaang pagsabog, pagdaloy ng lava, pagguho ng bato, at iba pang panganib sa lugar.














