Tumaas sa 92% ang posibilidad na maranasan ang moderate hanggang strong El Niño sa huling bahagi ng 2026 hanggang unang quarter ng 2027, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).

Ayon kay PAGASA Administrator Nathaniel Servando, inaasahang ia-upgrade ngayong buwan ang El Niño Watch patungong El Niño Alert, habang tinataya na maaaring magsimula ang phenomenon mula Hulyo hanggang Setyembre.

Sinabi niya na ang El Niño ay inilalarawan bilang abnormal na pag-init ng sea surface temperature sa Central at Eastern Equatorial Pacific, na karaniwang nagdudulot ng mas mababa sa normal na pag-ulan sa bansa.

“During El Niño, rainfall conditions are expected to be below normal,” ayon kay Servando.

Advertisement

Noong Marso, inilagay na sa El Niño Watch ang bansa na may 55 porsiyentong posibilidad ng pagbuo ng phenomenon sa loob ng anim na buwan, bunsod ng inaasahang below-normal rainfall.

Binigyang-diin din ng PAGASA na ang magiging epekto nito ay maaaring makaranas ang bansa ng tagtuyot at kakulangan sa ulan sa ilang rehiyon, depende sa tindi ng El Niño.

Ipinunto rin ni Servando na ang kasalukuyang kondisyon sa Indonesia, na nakararanas ng weak El Niño, ay inaasahang lalakas pa sa moderate level pagsapit ng ikatlong quarter ng 2026—isang indikasyon na kahalintulad ng climate pattern sa Pilipinas.

“Indonesia’s climate is similar to the Philippines, and the local climate is influenced by climate variability such as El Niño,” aniya.

Advertisement