Nakita umano sa Calabarzon dalawang linggo na ang nakalipas si Atong Ang na isa sa mga akusado sa missing sabungeros case, ayon kay Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla.
Ayon kay Remulla, may umiiral na Interpol Red Notice laban kay Ang at patuloy ang operasyon ng mga awtoridad para sa kanyang pag-aresto. Sa kabila nito, sinabi niyang “na-miss” umano ng mga operatiba si Ang ng isang araw sa isinagawang follow-up operation.
Dagdag ni Remulla, palipat-lipat umano ng taguan si Ang tuwing tatlo hanggang limang araw upang maiwasan ang pagkakadakip, at kadalasang may maliit na grupo lamang na kasama niya.
“Apparently, he travels in a small group… Tapos palipat-lipat siya ng bahay every three to five days,” aniya.
Nilinaw din ng kalihim na hindi pa kumpirmado ang naunang ulat na posibleng nasa Vietnam si Ang, at iginiit na nananatili ang paniniwala ng mga awtoridad na nasa loob lamang ng Pilipinas ang akusado dahil wala umanong rekord ng kanyang pag-alis ng bansa.
Si Atong Ang ay may kinakaharap na mga kaso ng kidnapping with homicide at kidnapping and serious illegal detention kaugnay ng pagkawala ng ilang sabungero.
Nauna nang naglabas ng arrest warrant laban sa kanya at iba pang akusado, habang patuloy ang koordinasyon ng mga awtoridad sa internasyonal na manhunt sa pamamagitan ng Interpol.













