Nanawagan si Senador Francis Pangilinan sa Department of Agriculture (DA) na agarang gamitin ang tinatayang ₱18 bilyong hindi nagamit na pondo mula sa 2025 budget upang pondohan ang fuel at fertilizer subsidies para sa mga magsasaka at mangingisda na apektado ng pagtaas ng gastos dulot ng tensyon sa Middle East.
Ayon kay Pangilinan, hindi na dapat maantala ang paglalabas ng pondo dahil patuloy na nahihirapan ang sektor ng agrikultura at pangingisda sa pagtaas ng presyo ng langis at pataba sa pandaigdigang merkado. Giit niya, mahalagang magamit ang mga nakalaang pondo upang maibsan ang pasanin ng mga lokal na producer at maiwasan ang pagtaas ng presyo ng pagkain sa merkado.
Matatandaan na naglabas na ang pamahalaan ng ₱10 bilyong tulong pinansyal para sa mahigit 4.1 milyong magsasaka at mangingisda, na katumbas ng ₱2,325 bawat benepisyaryo.
Gayunman, iginiit ng senador na hiwalay pa rito ang ₱18 bilyong maaaring i-realign mula sa hindi nagamit na pondo ng kagawaran, kabilang ang alokasyon para sa farm-to-market roads at iba pang programa.
Nagbabala rin si Pangilinan na kung hindi agad kikilos ang pamahalaan, posibleng lumala ang epekto ng krisis sa suplay ng pagkain dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng langis at input costs sa agrikultura.
Hinimok din niya ang DA na pabilisin ang proseso ng realignment ng pondo alinsunod sa umiiral na batas upang matiyak ang agarang pagbibigay ng tulong sa sektor.
Sa huli, binigyang-diin ng senador na mahalaga hindi lamang ang agarang ayuda kundi pati ang pangmatagalang hakbang upang palakasin ang lokal na produksyon at bawasan ang pagdepende sa imported na suplay ng pagkain.














