Maglalaan ang Pag-IBIG Fund ng hanggang ₱6.3 bilyon para pondohan ang pagpapatayo ng dormitoryo at abot-kayang paupahan para sa mga estudyante, guro, at non-teaching personnel ng mga state universities and colleges (SUCs) sa buong bansa.

Ang pondo ay bahagi ng Project BALAY: Bridging Access to Learning, isang joint initiative ng Pag-IBIG Fund at Commission on Higher Education (CHED) na layong tugunan ang kakulangan sa ligtas at abot-kayang tirahan sa loob o malapit sa mga kampus.

Sa ilalim ng Pag-IBIG Rental Housing Construction Loan program, maaaring makautang ang mga SUC ng pondo na may subsidized interest rate na 3% kada taon sa unang sampung taon ng loan term. Maaari ring bayaran ang utang sa loob ng hanggang 30 taon.

Ayon sa ahensya, layunin ng programa na mapabilis ang pagtatayo ng mga pasilidad at paupahang bahay para sa academic community, kabilang ang mga estudyante at kawani ng gobyerno sa sektor ng edukasyon.

Advertisement

Ipinrisinta ang inisyatibo ni Pag-IBIG Fund Chief Executive Officer Marilene C. Acosta sa isang consultative meeting sa CHED Auditorium sa Quezon City noong Abril 15, 2026.

Tinalakay ng Pag-IBIG at CHED ang pagbuo ng sustainable housing solutions na direktang tutugon sa pangangailangan ng mga SUC sa bansa, partikular sa pagpapabuti ng access sa ligtas at abot-kayang tirahan para sa academic community.

Advertisement