Nasita at sumailalim sa random border check sa pagitan ng Germany at Czech Republic ang dating Ako Bicol Rep. Zaldy Co at kanyang pamilya, matapos umano silang walang maipakitang kumpletong travel documents.

Ayon sa ulat, lulan ng isang sasakyan na may French license plates at minamaneho ng French driver ang grupo ni Co nang sila ay pigilan ng German authorities sa border checkpoint.

Dahil sa kawalan umano ng kinakailangang dokumento, agad silang pinabalik sa Czech Republic, batay sa mas mahigpit na random border inspections na ipinatutupad ng Germany hanggang Setyembre 15.

Ayon kay Department of the Interior and Local Government Secretary Juanito Victor “Jonvic” Remulla, itinuturing si Co na “unwanted alien” sa naturang insidente dahil wala umano itong maipakitang valid travel papers sa checkpoint.

Advertisement

Giit pa ni Remulla, hindi dala ni Co ang sinasabing Portuguese passport na iniugnay sa kanya, at ID lamang umano ang kanyang naipakita.

Matatandaang iniulat na si Co ay nagtungo sa United States noong Agosto 2025 para sa medical treatment at hindi na nakabalik sa Pilipinas matapos nito. May mga ulat din ng kanyang pagbiyahe sa Singapore, Japan, at ilang bansa sa Europa tulad ng France at Italy.

Ayon pa sa mga ulat, bumili umano si Co ng bahay sa Portugal at nakakuha pa ng passport ng nasabing bansa, bagay na patuloy pang beripikado ng mga awtoridad.

Sinabi rin ni Remulla na wala pa ring inilalabas na Interpol red notice laban kay Co, bagama’t nagsumite na ng kahilingan ang Pilipinas noong Nobyembre 2025.

Dahil sa kakulangan ng extradition treaty sa Czech Republic, patuloy ang diplomatic talks ng pamahalaan upang mapauwi si Co sa bansa.

Advertisement