Umabot hanggang sa Bataan ang usok mula sa nasusunog na Navotas Sanitary Landfill, batay sa satellite data ng Philippine Space Agency na inilabas nitong Biyernes.

Ayon sa PhilSA, nagsimula ang sunog sa landfill bago mag-alas 8 ng gabi noong Abril 10 at patuloy pa rin ang mga operasyon para apulahin ito.

Gamit ang satellite snapshots mula 7:45 a.m. hanggang 3:45 p.m. noong Abril 11, nakita ng ahensya ang pagkalat ng nitrogen dioxide—na ginagamit bilang proxy para masukat ang lawak ng usok—na umabot mula Navotas City hanggang sa ilang bahagi ng Bataan dahil sa hanging pakanluran.

Ayon sa PhilSA, mas mataas ang konsentrasyon ng pollutant sa umaga ng Abril 11 sa Metro Manila, ngunit unti-unti itong bumaba sa hapon kahit nananatiling mataas sa ilang lugar.

Advertisement

Kinumpirma rin ng Department of Environment and Natural Resources na naapektuhan ang air quality sa mga lugar na dinaanan ng makapal at mabahong usok, na maaaring magdulot ng problema sa paghinga.

Matatandaang hindi na operational ang landfill mula 2025, ngunit ayon sa lokal na pamahalaan ng Navotas, nabigo umano ang dating operator na maipatupad ang tamang pagsasara at rehabilitasyon, kaya nanatili ang mga basurang madaling masunog lalo na sa mainit na panahon.

Patuloy ang monitoring ng mga ahensya habang tinataya ang lawak ng epekto sa kalusugan at kapaligiran ng sunog.

Advertisement