Photo © web

Itinuro ni Finance Secretary Frederick Go ang Business Process Outsourcing (BPO), semiconductor at electronics manufacturing, at renewable energy bilang mga pangunahing sektor na magpapalago ng ekonomiya at lilikha ng mas maraming trabaho para sa mga Pilipino.

Sa kanyang talumpati sa IMF-World Bank Spring Meetings 2026, sinabi ni Go na patuloy ang paglawak ng BPO industry sa bansa, na ngayon ay nakatuon na rin sa artificial intelligence, data analytics, at IT-enabled services.

Ayon naman kay Felipe Jaramillo ng World Bank, dapat tularan ng East Asia Pacific ang Pilipinas sa paglipat sa mas high-value services.

Binanggit din ni Go ang paglago ng semiconductor at electronics sector, kung saan patuloy na nagdaragdag ng pamumuhunan ang mga kumpanyang tulad ng Samsung, na nagbubukas ng mas maraming oportunidad sa trabaho.

Advertisement

Kasabay nito, lumalakas ang renewable energy projects sa bansa kabilang ang wind, solar, at geothermal energy. Ayon kay Go, ang madalas na bagyo, matinding sikat ng araw, at aktibong bulkan sa Pilipinas ay maaaring gawing bentahe sa paglikha ng enerhiya.

Upang mapanatili ang job creation, isinusulong ng pamahalaan ang mga reporma gaya ng CREATE MORE Act at Public-Private Partnership Code na naglalayong magbigay ng pangmatagalang insentibo at palakasin ang kumpiyansa ng mga mamumuhunan. Dagdag pa niya, patuloy din ang pamumuhunan sa edukasyon at skills training upang matugunan ang pangangailangan ng mga bagong industriya.

Batay sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA), bumaba sa 2.66 milyon ang bilang ng mga walang trabaho noong Pebrero 2026 mula sa 2.96 milyon noong Enero. Gayunman, mas mataas pa rin ito kumpara sa 1.94 milyon noong Pebrero 2025, dahil mas maraming Pilipino ang aktibong naghahanap ng trabaho kaysa sa natatanggap ng labor market.

Advertisement