Inakusahan ni U.S. President Donald Trump ang Iran ng “total violation” sa umiiral na ceasefire matapos umano itong magpaputok sa mga barko malapit sa Strait of Hormuz.
Sa isang social media post nitong Linggo, nagbanta si Trump na sisirain ng Estados Unidos ang mahahalagang imprastraktura ng Iran kung hindi nito tatanggapin ang alok na kasunduan ng Washington.
“We’re offering a very fair and reasonable deal… the United States is going to knock out every single power plant, and every single bridge, in Iran,” ani Trump. “No more Mr. Nice Guy!”
Ayon pa sa Pangulo, nakatakdang dumating sa Pakistan sa Lunes ng gabi ang mga kinatawan ng Estados Unidos upang ipagpatuloy ang negosasyon sa Iran sa kabila ng tumitinding tensyon.
Nauna rito, bumaba ang pandaigdigang presyo ng langis at umakyat ang stock markets matapos ipahayag ng Iran na bubuksan nito ang Strait of Hormuz—isang mahalagang daanan ng langis sa mundo—na pansamantalang isinara kasunod ng military operations ng U.S. at Israel noong Pebrero 28.
Gayunman, matapos ipahayag ni Trump na magpapatuloy ang blockade laban sa Iranian shipping, sinabi ng Tehran na mananatiling sarado ang nasabing strait. Iniulat din na may hindi bababa sa dalawang barko ang pinaputukan habang papalapit sa lugar.
“Iran decided to fire bullets yesterday… A total violation of our ceasefire agreement,” dagdag ni Trump.
Sa ngayon, nananatiling hindi malinaw kung muling magbubukas ang Strait of Hormuz at kung magkakaroon ng pag-usad sa negosasyon para sa tigil-putukan.














