Naaresto ang isang 40-anyos na lalaki matapos maaktuhan sa isang buy-bust operation sa Pili, Camarines Sur noong Abril 20, 2026, sa operasyon ng pulisya at PDEA.
Ayon sa ulat, nahuli ang suspek na alyas “Doming” sa Zone 5, Barangay Caroyroyan matapos nitong makapagbenta ng isang sachet ng hinihinalang shabu sa isang operatibang nagpanggap bilang poseur-buyer kapalit ang ₱500.
Sa isinagawang follow-up search, nakuha mula sa kanya ang buy-bust money na may serial number, isang coin purse na may apat pang sachet ng hinihinalang shabu, at kanyang driver’s license. Tinatayang nasa 0.50 gramo ang kabuuang nakumpiskang droga na may street value na humigit-kumulang ₱3,400.
Isinagawa ang marking, inventory, at dokumentasyon ng ebidensya sa mismong lugar ng operasyon sa presensya ng suspek at mga saksi gamit ang body camera bilang bahagi ng police protocol.
Batay sa beripikasyon, walang nakabinbing warrant of arrest ang suspek. Siya ay kasalukuyang nasa kustodiya ng mga awtoridad at nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.














