Inendorso ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) Executive Committee ang mga key policy measures na layuning palakasin ang mas tumutugong pamahalaan sa pambansa at lokal na antas.
Ginawa ang mga rekomendasyon sa ginanap na 9th Executive Committee Meeting nitong Miyerkules ng hapon sa Malacañang, na pinangunahan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Kabilang sa mga inendorso ng komite ang pagpapalawig ng Amnesty Program, pagbibigay-prayoridad sa mga mahahalagang panukalang batas, pagpapalawak ng pondo para sa development programs, at pagpapalakas ng mekanismo ng task force upang mas maging epektibo ang pamahalaan sa lahat ng antas.
Ayon kay NTF-ELCAC Executive Director Undersecretary Ernesto Torres Jr., nananawagan sila sa lahat ng sektor—gobyerno, local government units, civil society, at mamamayan—na magkaisa para isulong ang kapayapaan, seguridad, at kaunlaran sa bansa.
Binigyang-diin din ni Torres na bagama’t may mga nakamit nang progreso, kailangan pa rin ang tuloy-tuloy na koordinasyon, pag-aangkop sa mga hamon, at pagpapatuloy ng mga programa upang mapanatili ang kapayapaan.
Ang NTF-ELCAC, na pinamumunuan ng Pangulo, ay binubuo ng 12 clusters at iba’t ibang ahensya ng gobyerno na tumututok sa seguridad, governance, imprastraktura, at serbisyong panlipunan sa ilalim ng whole-of-nation approach laban sa insurgency.
Ayon sa task force, mahalaga ang kanilang mekanismo sa pagpapatatag ng development sa mga conflict-affected areas, pag-iwas sa radicalization, at pagpapatuloy ng peacebuilding at reintegration efforts.
Ipinresenta rin sa Pangulo ang updates sa implementasyon ng National Action Plan for Unity, Peace and Development (NAP-UPD) 2025–2028, na nagsisilbing gabay sa pagtugon sa ugat ng insurgency sa bansa.














