Bumisita si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ngayong Huwebes, Abril 23, sa Palayan City Township Project bilang bahagi ng Expanded Pambansang Pabahay para sa Pilipino (4PH) Program ng pamahalaan.

Kasama ng Pangulo sina Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) Secretary Jose Ramon Aliling, Palayan City Mayor Viandrei Nicole Cuevas, at iba pang opisyal ng gobyerno sa pag-inspeksyon ng proyekto.

Tiningnan ng Pangulo ang mga natapos nang residential buildings at community facilities sa lugar, kung saan may ilang pamilya na ring nakalipat at naninirahan na sa condominium-type housing units, hudyat ng paglipat ng proyekto mula construction phase patungo sa isang umuusbong na komunidad.

Sinilip din ni Marcos ang ilang unit upang makita ang aktwal na disenyo ng mga tirahan para sa mga magiging benepisyaryo, at ininspeksyon ang mga pasilidad tulad ng central park at clubhouse. Nakipag-ugnayan din siya sa mga residente sa lugar.

Advertisement

Ang Palayan City Township Project ay isang vertical housing community na may kasamang residential buildings, open spaces, at shared amenities. Kapag tuluyang natapos, inaasahang makakapagsilbi ito sa humigit-kumulang 22,596 benepisyaryo sa 24 na gusali.

Sa parehong pagbisita, nakipagpulong din ang Pangulo sa mga barangay captain at lokal na opisyal, at nasaksihan ang paunang pamamahagi ng 100 sako ng bigas na tig-10 kilo para sa mga ambulant vendor.

Ininspeksyon din niya ang Kadiwa ng Pangulo stalls kung saan ibinebenta ang mga produktong lokal mula sa mga magsasaka ng Palayan City at buong lalawigan ng Nueva Ecija.

Advertisement