Matapos kumpirmahin ng International Criminal Court ang kasong crimes against humanity laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte, susunod na hakbang ang pagbuo ng Trial Chamber na siyang hahawak sa aktuwal na paglilitis.

Sa 50-pahinang desisyon, inatasan ng ICC Pre-Trial Chamber I na ipasa ang rekord ng kaso sa ICC Presidency upang bumuo ng Trial Chamber na binubuo ng tatlong bagong hukom na hindi bahagi ng Pre-Trial Chamber.

Ayon sa ICC, ang Trial Chamber ang magtatakda ng trial dates, magsasagawa ng mga pagpupulong kasama ang mga partido, at magpapasya sa mga procedural rules upang matiyak ang patas at mabilis na paglilitis.

Inaasahang personal na haharap sa korte si Duterte, alinsunod sa Article 63 ng Rome Statute na nagtatakda na dapat ay present ang akusado sa paglilitis. Gayunman, maaaring magdesisyon ang hukuman sa iba pang usapin kaugnay ng kanyang partisipasyon.

Advertisement

May 539 biktima na pinayagang makilahok sa kaso at kakatawanin sila ng mga Filipino lawyers na sina Joel Butuyan at Gilbert Andres, kasama si Paolina Massidda ng Office of Public Counsel for Victims.

Samantala, maaari pang iapela ng depensa at prosekusyon ang desisyon ng ICC sa kondisyon na aprubahan ito ng Pre-Trial Chamber I, at maaari ring humiling ng interim release si Duterte habang isinasagawa ang paglilitis.

Ang mga confirmed charges laban sa kanya ay kinabibilangan ng murder bilang crimes against humanity sa Davao City at sa iba’t ibang bahagi ng bansa mula 2013 hanggang 2018, kabilang ang umano’y pag-target sa “high-value targets” at barangay clearance operations.

Sa desisyon ng korte, sinabi ring may sapat na batayan upang paniwalaan na si Duterte ay may pananagutan sa mga pagpatay at attempted murder sa ilalim ng malawak at sistematikong pag-atake laban sa mga sibilyan sa Pilipinas kaugnay ng war on drugs mula 2011 hanggang 2019.

Pinanindigan din ng ICC na sa konteksto ng kaso, ang salitang “neutralize” ay nangangahulugang “pumatay,” taliwas sa depensa ni Duterte na ito ay tumutukoy lamang sa pag-aresto o legal na pag-restrain.

Si Duterte ay inaresto sa Pilipinas noong Marso 11, 2025 at kasalukuyang nakakulong sa ICC Detention Facility sa Scheveningen, The Hague, Netherlands.

Advertisement