Kinumpirma ng Iran na natanggap na nito ang unang kita mula sa ipinataw na toll sa mga barkong dumadaan sa Strait of Hormuz, sa gitna ng patuloy na tensyon sa mahalagang ruta ng pandaigdigang kalakalan.
Ayon sa deputy speaker ng parlyamento na si Hamidreza Hajibabaei, ang unang kita mula sa toll ay naideposito na sa account ng Central Bank, batay sa ulat ng Iranian state media. Wala pang inilalabas na karagdagang detalye tungkol sa halaga.
Ang Strait of Hormuz ay itinuturing na isa sa pinakamahalagang chokepoint sa pandaigdigang suplay ng langis at gas, na dinadaanan ng humigit-kumulang isang-kalimang bahagi ng global oil trade. Naging sentro ito ng tensyon mula nang sumiklab ang labanan sa Middle East noong Pebrero 28.
Ayon sa mga ulat, nilimitahan ng Iran ang pagdaan ng mga barko sa naturang ruta, dahilan ng pagbawas ng maritime traffic habang nagpapatuloy ang sigalot sa pagitan ng Estados Unidos at Israel.
Nauna nang pinag-usapan sa parlyamento ng Iran ang pagpapatupad ng toll system sa mga barkong dumadaan, at iniulat na inaprubahan ng parliamentary security commission ang plano noong Marso 30, bagama’t hindi pa malinaw kung may pinal na botohan.
Patuloy namang nananawagan ang Estados Unidos na muling buksan ang rutang pandagat, habang ilang bansa kabilang ang United Kingdom at France ay nakikipag-usap para sa posibleng multinasyunal na misyon na magpoprotekta sa paglalayag sa Strait of Hormuz.














