Isinusulong ni Senator Sherwin Gatchalian ang isang panukalang batas na magbabawal sa mga batang wala pang 16 taong gulang na gumamit ng social media sa Pilipinas.

Sa ilalim ng Senate Bill No. 2066 o Social Media Safety for Children Act, ipinagbabawal ang pagrerehistro, pag-access, o pagpapanatili ng account ng mga menor de edad sa anumang social media platform. Layunin nitong protektahan ang mga bata mula sa mga panganib sa digital world, kabilang ang epekto sa mental, moral, at social development ng labis na paggamit ng social media.

Ayon kay Gatchalian, kinakailangan ang mas komprehensibong regulasyon dahil ang kasalukuyang mga batas ay nakatuon lamang sa parusa at hindi sa aktibong proteksyon laban sa online exposure ng mga menor de edad.

Sa panukala, inaatasan din ang mga social media companies na magpatupad ng mahigpit na age verification systems gaya ng ID authentication, facial recognition, at iba pang teknolohiya. Kailangan din nilang magsagawa ng regular audit upang matukoy at ma-deactivate ang mga account ng mga menor de edad.

Advertisement

Ang Department of Information and Communications Technology ang itatalagang pangunahing ahensya na mangangasiwa sa pagpapatupad at pagbabantay sa mga social media platforms at age verification providers.

Kapag naging batas, maaaring pagmultahin ang mga social media companies ng P1 milyon hanggang P10 milyon sa bawat paglabag, at karagdagang P100 kada araw habang nagpapatuloy ang paglabag.

Advertisement