Iginiit ng Malacañang na masyado pang maaga upang talakayin ang mga posibleng kandidato para sa 2028 national elections, kasunod ng mga pahayag na may kinalaman kay dating Bise Presidente Leni Robredo.
Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, nananatiling nakatuon si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa pamamahala at sa mga agarang isyu ng bansa sa halip na maagang pamumulitika.
“Sa ngayon, sa paningin po ng Pangulo, napakaaga pa po pag-usapan kung sino ang tatakbo sa pagka-pangulo sa susunod na eleksyon,” ani Castro.
Dagdag pa niya, prayoridad ng Pangulo ang pagtugon sa mga kasalukuyang hamon, kabilang ang tensyon sa Middle East upang masiguro ang tuloy-tuloy na suplay ng produktong petrolyo sa bansa, pati na ang pamamahagi ng ayuda sa mga mamamayan.
Nauna rito, sinabi ni Robredo na wala siyang planong tumakbo sa anumang national position sa 2028 elections. Sa isang panayam, binigyang-diin niyang mas nakatuon siya sa pagtugon sa pangangailangan ng Naga City.
Ipinahiwatig din ni Robredo ang posibilidad ng kanyang muling pagtakbo bilang alkalde ng Naga para sa ikalawang termino.
Samantala, sa isang survey ng OCTA noong 2026, pumangalawa si Robredo sa voter preference para sa pagkapangulo, kasunod ni Vice President Sara Duterte.
Nauna nang nagpahayag si Duterte ng intensyong tumakbo bilang pangulo sa 2028 elections.
Sa kabila nito, muling iginiit ng Malacañang na hindi pa politika ang pokus ng administrasyon sa kasalukuyan kundi ang pagtatrabaho para sa kapakanan ng publiko.














