Iginiit ni House Justice Committee chairperson at Batangas 2nd District Rep. Gerville Luistro na ang mga tumututol sa pagbubunyag ng bank transactions ay may tinatagong anomalya, kasunod ng isyu sa impeachment proceedings laban kay Vice President Sara Duterte.

Ginawa ni Luistro ang pahayag bilang tugon sa reklamong inihain ni Atty. Manases Carpio, asawa ng Bise Presidente, laban sa House Committee on Justice dahil umano sa paglabag sa Bank Secrecy Law, Data Privacy Act, at Anti-Money Laundering Act.

Kaugnay ito ng paglalantad ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) ng P6.7 bilyong halaga ng covered at suspicious bank transactions na nakapangalan kina Duterte at Carpio.

Ayon kay Luistro, “If there is nothing to hide, there is no reason to hide,” at iginiit na ang transparency ang dapat na maging tugon ng mga opisyal na may integridad.

Advertisement

Binigyang-diin din ng mambabatas na ang Bank Secrecy Law ay hindi nilikha upang itago ang kahina-hinalang yaman kundi upang protektahan ang lehitimong deposito.

Aniya, may mandato ang AMLC na busisiin ang mga kahina-hinalang transaksyon at iulat ang mga ito sa mga awtoridad, at hindi ito maituturing na paglabag sa batas.

Dagdag pa ni Luistro, hindi kinuwestyon sa reklamo ni Carpio ang pagiging totoo ng AMLC records, kundi ang proseso ng impeachment at kapangyarihan ng komite na maglabas ng subpoena.

Iginiit din niya na nakabatay sa Konstitusyon ang impeachment proceedings, na aniya ay nakahihigit sa ibang batas gaya ng Bank Secrecy Law pagdating sa usapin ng public accountability.

Sa parehong pagdinig, sinabi rin ni Luistro na tumugma ang 19 bank transactions na binanggit ni Antonio Trillanes IV sa affidavit sa mga datos na inilabas ng AMLC, na aniya’y hindi umano simpleng pagkakataon kundi kumpirmasyon ng mga ulat.

Advertisement