Inihayag ng Department of Agriculture Bicol, na kasalukuyang dinadala sa Bicol Region ang suplay ng sibuyas mula sa Occidental Mindoro bilang tugon sa nararanasang oversupply sa nasabing lalawigan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Lovella P. Guarin, Chief ng RAFIS ng Department of Agriculture Bicol, ang hakbang na ito ay bahagi ng mas pinalakas na koordinasyon ng Department of Agriculture upang matulungan ang mga magsasaka na maibenta ang kanilang ani at maiwasan ang pagkalugi dulot ng labis na produksyon. Sa pamamagitan ng paglipat ng suplay sa ibang rehiyon na may pangangailangan, napapakinabangan pa rin ang ani at hindi nasasayang ang produkto.
Dagdag pa niya, makatutulong din ang distribusyon ng sibuyas sa Bicol Region upang mapanatiling sapat ang suplay sa mga pamilihan, lalo na sa mga panahong mataas ang demand. Inaasahan ding makatutulong ito sa pagpapanatili ng mas abot-kayang presyo ng sibuyas para sa mga mamimili, habang napoprotektahan ang kita ng mga magsasaka sa Occidental Mindoro.
Patuloy naman ang monitoring at koordinasyon ng ahensya sa iba’t ibang lokal na pamahalaan at mga stakeholders upang matiyak ang maayos na daloy ng suplay at maiwasan ang posibleng kakulangan o labis na suplay sa mga merkado sa rehiyon.














