Binigyang linaw ng isang konsehal sa Camarines Norte ang kumakalat sa social media na namahagi umano ang Pamahalaang Bayan ng Daet ng expired na bigas bilang bahagi ng “Walang Gutom Program”.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Benjamin Marlon Bandelaria, Municipal Councilor ng Daet, Camarines Norte, sinabi niya na ang naturang programa ay isang national program na hawak ng national government katuwang ang mga LGU’s at DSWD sa pamamahagi.
Aniya, nakalagay sa label na ginawa ito noong November 11, 2022 at may expiration year na 2025, na kung saan mahaba naman umano ang shelf life ng bigas kung nakaimbak ng maayos.
Aminado siya na ilan sa mga bigas na naipamahagi sa kanilang bayan, gayundin sa ibang mga bayan, ay naninilaw o di kaya’y may amoy na ang bigas.
Sa katunayan, mas pangit umano ang kalidad ng mga bigas na naunang naipamahagi sa kanilang bayan na kalauna’y ipinabalik nila.
Bilang tugon, nagpatawag ang LGU ng isang legislative inquiry meeting upang talakayin ang nasabing usapin pati na rin ang kalagayan ng presyo ng mga bilihin katuwang ang Department of Agriculture, Department of Trade and Industry, Municipal Agriculture Office, MSWDO Office, at 20th Council ng Daet.
Samanatala, mariing itinanggi at nasaktan umano ang konsehal kaugnay sa batikos sa kanila ng isang lokal na kontraktor na kaya naninilaw at may amoy ang bigas ay dahil mula ito sa local farmers. Aniya, magaganda ang kalidad ng mga bigas na locally produced.
Tinuligsa rin niya ang naging eksplanasyon nito na sa lumang sako lamang inilagay ang mga bigas. Aniya, hindi maaaring gumamit ng lumang sako ang lokal na kontraktor dahil may procurement at sapat na pondo na nakalaan para sa mga ito.
Bilang primary implementing agency, nanawagan siya na dapat tiyakin ng DSWD ang magandang kalidad ng mga produktong ipinapamahagi lalo na’t maaari palang bumili ng supply sa mga local farmers na siya rin sanang makatutulong sa kanilang hanap-buhay.













