Inilipat nitong Biyernes ang dating TV host na si Jay Sonza mula sa kustodiya ng National Bureau of Investigation (NBI) sa Pasay City patungo sa pasilidad nito sa New Bilibid Prison.

Ayon sa kanyang abogado na si Atty. Mark Tolentino, maayos ang kalagayan ni Sonza at patuloy nilang tinututukan ang mga legal na hakbang upang maprotektahan ang kanyang mga karapatan.

Inaresto si Sonza noong Huwebes ng gabi sa Quezon City batay sa warrant na inilabas ng Pasay Regional Trial Court Branch 118.

Kinakaharap niya ang kasong paglabag sa Article 154 ng Revised Penal Code kaugnay ng unlawful use of means of publication at unlawful utterances, pati na rin sa ilalim ng Cybercrime Prevention Act of 2012.

Advertisement

May kaugnayan ang kaso sa umano’y pagpo-post ng fake news hinggil sa kalusugan ni Ferdinand Marcos Jr..

Sa oras ng kanyang pag-aresto, sinabi ni Sonza na handa siyang sumailalim sa due process, habang kinuwestyon naman ng kanyang abogado ang pag-isyu ng non-bailable warrant, na aniya’y “highly irregular” para sa ganitong uri ng kaso.

Bukod dito, nahaharap din si Sonza sa hiwalay na kasong cyberlibel sa Pasay RTC Branch 111.

Samantala, pinuri ng Presidential Communications Office (PCO) ang mabilis na aksyon ng NBI sa pagsasampa ng kaso at pag-aresto sa dating broadcaster. Ayon kay Dave Gomez, ipinapakita nito ang patuloy na pagsisikap ng pamahalaan na protektahan ang publiko laban sa maling impormasyon at mapanatili ang isang malaya ngunit responsableng espasyo sa demokrasya.

Advertisement