Hindi maaaring nahawa sa loob ng cruise ship ang unang kaso ng hantavirus sa MV Hondius, ayon sa isang eksperto mula sa World Health Organization, kasunod ng pagkalat ng impeksiyon na kumitil na ng ilang buhay sa barko.
Ayon sa World Health Organization, ang unang pumanaw sa tatlong kumpirmadong nasawi sa MV Hondius ay hindi maaaring nahawa habang nasa cruise, dahil lumabas na ang impeksiyon bago pa man sumakay sa barko.
Ang MV Hondius, isang polar expedition ship na may humigit-kumulang 150 pasahero at crew, ay umalis mula Ushuaia noong Abril 1 patungong Cape Verde, kung saan ito dumating nitong Linggo.
Ayon sa WHO expert na si Anais Legand, ang incubation period ng hantavirus ay nasa isa hanggang anim na linggo, kaya malinaw umanong na-expose na ang pasyente bago ang biyahe. Aniya, “very clearly had exposure before boarding the ship,” na posibleng may kaugnayan sa pagkakalantad sa mga daga.
Ang 70-anyos na Dutch passenger ang unang nagkasakit, na nagpakita ng sintomas tulad ng lagnat, sakit ng ulo, at pagtatae noong Abril 6, bago tuluyang nagkaroon ng respiratory distress at namatay noong Abril 11 habang nasa barko.
Sa kabuuan, iniulat ng WHO na may walong kumpirmado at pinaghihinalaang kaso ng hantavirus sa barko. Sa tatlong nasawi, ang asawa ng unang biktima ay kumpirmadong positibo rin sa virus, habang isa pang German passenger ang pinaghihinalaang nasawi dahil dito.
Dalawa pang pasahero ang kasalukuyang ginagamot sa mga ospital sa Johannesburg at Zurich, habang tatlo naman ang inilikas at inilipad patungong Netherlands.
Ayon sa WHO, ang hantavirus ay karaniwang nakukuha mula sa mga infected na daga sa pamamagitan ng ihi, dumi, at laway. Bagama’t may limitadong human-to-human transmission para sa isang strain (Andes virus), patuloy pa rin ang imbestigasyon hinggil dito.
Samantala, nakikipag-ugnayan na ang WHO at mga awtoridad sa Spain at iba pang bansa upang matiyak ang ligtas na pagdaong ng barko sa Canary Islands, habang nananatili pa rin sa barko ang mga labi ng tatlong nasawi.














