Ligtas na nailikas ang mga pasahero at crew ng isang cruise ship matapos matukoy ang hantavirus outbreak sakay nito, ayon sa mga opisyal ng operasyon sa paglikas.

Ayon sa ulat, walang nakitaan ng sintomas ang mga pasaherong inilikas mula sa barko. Dinala sila sa Tenerife Airport gamit ang mga military bus bago isakay sa mga eroplano patungo sa kani-kanilang bansa.

Mahigpit na ipinatutupad ang no-contact policy sa mga evacuee upang maiwasan ang posibleng pagkalat ng virus habang isinasagawa ang proseso ng pagbiyahe.

Inirekomenda ng World Health Organization ang 42-araw na quarantine para sa lahat ng sakay ng barko bilang pag-iingat laban sa posibleng impeksyon.

Advertisement

Kabilang sa mga bansang nagpadala ng sasakyang panghimpapawid para sa kanilang mga mamamayan ang Spain, France, United Kingdom, Canada, United States, Netherlands, Turkey, Ireland, at Australia.

Batay sa ulat ng WHO, ilang dating pasahero na umalis na sa barko ang nagkasakit, at tatlo na rito ang nasawi. Pinaniniwalaang maaaring nakuha ang impeksyon bago pa man sumakay sa cruise ship, at kumalat habang nasa biyahe.

Samantala, tiniyak ng mga health authority na mababa ang panganib ng hantavirus sa publiko, ngunit patuloy ang masusing pagsusuri at monitoring sa mga naapektuhan.

Pagkatapos ng evacuation, ang barko ay lilinisin at ide-disinfect sa Netherlands, habang ilang crew members lamang ang mananatili upang pangasiwaan ang operasyon nito.

Advertisement