Nagpalabas ng subpoena ang Philippine National Police – Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) laban kay Senador Ronald “Bato” Dela Rosa kaugnay ng mga alegasyon ng extrajudicial killings (EJKs), ayon sa ulat ngayong Lunes, Mayo 11.
Kinumpirma ng PNP spokesperson na si Police Brigadier General Randulf Tuaño ang kopya ng subpoena na may petsang Mayo 10.
Batay sa dokumento, inatasan si Dela Rosa na humarap sa CIDG sa Camp Crame sa Huwebes, 10 a.m.
Ayon sa mga ulat, may kaugnayan ito sa mahigit 100 reklamo ng EJK na umano’y naganap noong panahong si Dela Rosa ay City Director at Regional Director sa Davao City.
Nauna nang kinumpirma ni Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla ang pag-isyu ng subpoena, na aniya ay bahagi ng pagpapatuloy ng imbestigasyon ng mga awtoridad.
Giit pa ng DILG, hindi umano ito konektado sa mga ulat ng International Criminal Court (ICC) tungkol sa umano’y arrest warrant laban kay Dela Rosa.
Ayon kay Remulla, “We are not a member of the ICC. We are not working with the ICC. This is a purely internal matter.”
Samantala, nilinaw rin ng mga opisyal na ang imbestigasyon ng CIDG ay nakatuon lamang sa mga lokal na reklamo at hindi sa anumang internasyonal na proseso.
Sa ngayon, wala pang pahayag mula kay Dela Rosa kaugnay ng isyu.














