Hiniling ng Office of the Ombudsman sa Senado ang kopya ng CCTV footage kaugnay ng insidente ng pamamaril noong Mayo 13 bilang bahagi ng hiwalay nitong imbestigasyon sa nangyaring putukan sa loob ng Mataas na Kapulungan.

Ayon kay Ombudsman Jesus Crispin Remulla, layunin ng kanilang imbestigasyon na matukoy ang buong detalye ng insidente at ang mga sangkot dito.

Bukod sa CCTV footage ng Senado, hinihingi rin ng Ombudsman ang mga video na kuha ng media personnel habang nagaganap ang putukan.

Umaasa rin si Remulla na walang mangyayaring cover-up kaugnay sa kaso.

Advertisement

Kasabay nito, isinailalim sa anim na buwang preventive suspension si Senate Acting Sergeant-at-Arms Mao Aplasca habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.

Nauna nang inamin ni Aplasca na nagpaputok siya ng warning shot matapos umano niyang makumpirma ang presensya ng mga operatiba ng National Bureau of Investigation sa GSIS wing ng Senado.

Gayunman, nilinaw ni NBI Director Melvin Matibag na wala silang tauhan sa loob ng Senado nang mangyari ang insidente.

Nabatid na kapwa miyembro ng Philippine Military Academy Sinagtala Class of 1986 sina Aplasca at Senador Ronald “Bato” dela Rosa.

Bago italaga bilang Senate Sergeant-at-Arms, nagsilbi si Aplasca bilang retiradong Police Major General matapos siyang ma-nominate sa posisyon ni dela Rosa noong 2025.

Advertisement