Ipinagmalaki ni House Speaker Faustino “Bojie” Dy III ang mabilis na pag-usad ng mga prayoridad na panukalang batas sa Kamara bilang patunay ng patuloy na pagtutok ng House of Representatives sa mandato nito at kapakanan ng publiko.
Sa plenary session noong Mayo 20, 2026, naaprubahan sa ikalawang pagbasa ang kabuuang 38 panukalang batas na may kinalaman sa reporma sa pamahalaan, emergency response, seguridad sa enerhiya, imprastraktura, at lokal na kaunlaran.
Kabilang sa mga tampok na panukala ang Anti-Political Dynasty Act na naglalayong ipagbawal ang political dynasty sa halalan.
Naaprubahan din ang panukalang National Emergency Response and Resiliency Framework na magtatatag ng “KALINGA Program” para sa pagtugon sa krisis at sakuna.
Kasama rin sa mga inaprubahan ang panukalang gawing regular na non-working holiday ang National Election Day at ang pagtaas ng retirement age ng mga tauhan ng Philippine National Police mula 56 hanggang 57 taong gulang.
Ayon kay Dy, magpapatuloy ang Kamara sa pagpasa ng mga batas na may direktang epekto sa mamamayan habang pinatitibay ang transparency at public accountability.
Sa mga nakalipas na araw, pumasa rin sa ikatlong pagbasa ang ilang LEDAC priority bills kabilang ang mga panukala para sa 4Ps amendments, Waste to Energy Act, at National Land Use Act.














