Hiniling ng Office of the Ombudsman sa Sandiganbayan na maglabas ng precautionary hold departure order laban kina Senador Rodante Marcoleta, dating Anakalusugan party-list Rep. Mike Defensor, at dalawang negosyante kaugnay ng umano’y P75 milyong campaign donation para sa kandidatura ni Marcoleta sa 2025 elections.
Batay sa rekomendasyon ng mga field investigator ng Ombudsman, dapat umanong sampahan ng kasong plunder at indirect bribery sina Marcoleta, Defensor, negosyanteng si Joseph Varias Espiritu, at Aristotle Baluyut Viray.
Ayon sa imbestigasyon, tinanggap umano ni Marcoleta ang kabuuang P75 milyong campaign donation sa tatlong magkakahiwalay na araw. Itinuturing umano itong “gift” na maaaring pumasok sa kasong plunder alinsunod sa umiiral na anti-graft laws.
Naisumite na umano sa Seventh Division ng Sandiganbayan nitong Lunes, Mayo 25, ang kahilingan ng Ombudsman para sa precautionary hold departure order laban sa mga respondent.
Gayunman, wala pang inilalabas na pinal na resolusyon ang Office of the Ombudsman hinggil sa pormal na pagsasampa ng mga kaso laban sa mga nasasangkot.
Samantala, itinanggi ni Marcoleta ang mga alegasyon sa kaniyang privilege speech nitong Lunes. Ayon sa senador, politically motivated umano ang mga reklamong isinampa laban sa kaniya at tila may pagtatangkang baluktutin ang batas.
Wala pa namang opisyal na pahayag sina Defensor, Espiritu, at Viray kaugnay sa naturang isyu.














