Kinumpirma ng mga awtoridad sa China na umabot na sa 82 katao ang nasawi matapos ang gas explosion sa isang coal mine sa Shanxi province, habang nagpapatuloy ang imbestigasyon sa isa sa pinakamalalang mining disasters sa bansa sa nakalipas na mahigit 15 taon.
Batay sa ulat ng state news agency na Xinhua, naganap ang pagsabog noong Biyernes ng gabi sa Liushenyu coal mine sa lungsod ng Changzhi sa Shanxi province.
Sa pinakahuling briefing ng mga opisyal, sinabi nilang 82 katao ang nasawi, mahigit 120 ang naospital, habang dalawa pa ang pinaghahanap at pinaniniwalaang wala nang buhay.
Inilarawan ng mga awtoridad bilang “chaotic” ang sitwasyon matapos ang pagsabog habang nagpapatuloy ang imbestigasyon sa sanhi ng insidente.
Ayon sa mga opisyal, may natuklasang “serious violations” sa operasyon ng minahan, bagaman hindi pa inilalabas ang kumpletong detalye ng mga paglabag.
Libu-libong rescuers at medical personnel ang ipinadala sa lugar upang tumulong sa search and rescue operations.
Marami sa mga nasugatan ay naapektuhan ng nakalalasong gas, ayon naman sa ulat ng state broadcaster.
Samantala, inatasan na ni Chinese President Xi Jinping ang agarang pagsagip sa mga nawawala at nanawagan ng masusing imbestigasyon upang mapanagot ang mga sangkot sa insidente.
Lumutang din sa mga ulat ang umano’y mga paglabag sa safety protocols ng coal mine, kabilang ang hindi pagsunod sa mandatory tracking devices para sa mga manggagawa at hindi tugmang mining blueprints na ibinigay sa mga awtoridad.
Ipinahayag din ng state media na posibleng doble sa nakasaad sa opisyal na tala ng kumpanya ang bilang ng mga nasa loob ng minahan noong oras ng pagsabog, na lalo umanong nagpalala sa rescue operations.














