Nagbabala ang Russia na magsasagawa ito ng “systematic strikes” laban sa mga military target at decision-making centers sa Kyiv habang pinapayuhan ang mga dayuhan, kabilang ang mga diplomat, na agad umalis sa kabisera ng Ukraine.

Ayon sa Russian Foreign Ministry, ang planong pag-atake ay tugon umano sa patuloy na “terrorist attacks” ng Ukraine laban sa mga sibilyan sa Russia.

Sinabi ng Moscow na target ng kanilang armed forces ang mga pasilidad sa Kyiv na ginagamit ng Armed Forces of Ukraine at mga sentrong pinagmumulan ng mahahalagang desisyon militar.

Nauna rito, isinagawa ng Russia ang isa sa pinakamalalakas nitong pambobomba sa Kyiv mula nang magsimula ang digmaan noong 2022.

Advertisement

Batay sa ulat ng mga awtoridad sa Ukraine, dalawang katao ang nasawi at 91 ang nasugatan sa mga pag-atake noong Linggo.

Kinumpirma rin ng Ukraine na gumamit ang Russia ng Oreshnik hypersonic missile malapit sa Kyiv, ang ikatlong paggamit ng naturang nuclear-capable weapon sa mahigit apat na taon ng digmaan.

Samantala, nanawagan si Ukrainian Foreign Minister Andrii Sybiha sa mga kaalyado ng Kyiv na huwag magpadala sa umano’y “Russian blackmail.”

Sinabi rin ni Katarina Mathernova, pinuno ng European Union mission sa Kyiv, na layunin lamang umano ng Russia na maghasik ng takot at panic.

“Russia wants fear. Panic. Isolation of Ukraine. It will not work,” ani Mathernova sa social media.

Ayon naman kay Ukrainian President Volodymyr Zelenskyy, nasa 300 lugar sa Kyiv ang napinsala sa weekend strikes kabilang ang bagong bukas na museo na nakatuon sa 1986 Chornobyl nuclear disaster.

Mahigit 70 dayuhang diplomat din ang bumisita sa matinding napinsalang lugar sa Lukyanivka upang magbigay-pugay sa mga biktima ng pag-atake.

Patuloy rin ang pag-atake ng magkabilang panig sa iba’t ibang bahagi ng Russia at Ukraine.

Sa Belgorod region ng Russia, isang lalaki ang nasawi habang isa pa ang nasugatan sa missile at drone attacks na nagdulot din ng pagkawala ng kuryente at tubig.

Sa Ukraine naman, napaulat ang panibagong mga pag-atake sa Kherson, Kharkiv, Odesa, Dnipropetrovsk, at Kramatorsk na ikinasawi at ikinasugat ng ilang sibilyan.

Patuloy namang nabibigo ang mga pagsisikap ng Estados Unidos na mamagitan upang wakasan ang digmaan habang kapwa inaakusahan ng Russia at Ukraine ang isa’t isa ng pagpapalala sa tensyon.

Advertisement