Marami umanong mga pulis ang nais magbahagi ng kanilang karanasan kaugnay ng madugong kampaniya kontra iligal na droga noong panahon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, ayon sa bagong-tatag na EJK Truth Commission.
Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni EJK Truth Commission Executive Director Carlos Conde na bago pa man mabuo ang independent body ay mayroon nang mga pulis na nagpahayag ng kahandaang magsalita hinggil sa kanilang naging karanasan sa drug war operations.
Ayon kay Conde, hindi umano noon maiiwasan ng ilang pulis na sumunod sa mga kautusan mula sa national headquarters kahit labag ito sa kanilang kalooban dahil sa umiiral na mahigpit na chain of command sa loob ng organisasyon.
Dagdag pa niya, walang sapat na pagkakataon noon ang mga pulis upang magsalita o magreklamo laban sa sistemang kanilang kinabibilangan.
Layunin umano ng Truth Commission na maging venue upang mailabas ng mga pulis ang kanilang mga karanasan at trauma mula sa mga operasyon na nagresulta sa libo-libong pagkamatay.
Nais din aniya ng grupo na maunawaan kung ano ang tumatakbo sa isipan ng mga pulis habang nagsasagawa ng mga operasyon noong kasagsagan ng drug war, dahilan upang magsama sila ng mga eksperto sa kanilang organisasyon.
Tiniyak naman ng EJK Truth Commission na mapoprotektahan ang pagkakakilanlan ng mga pulis na magbibigay ng salaysay at hindi ito makaaapekto sa kanilang patuloy na pagseserbisyo.
Ayon kay Conde, idodokumento rin ng komisyon ang mga testimonya ng mga pulis at kuwento ng mga naging biktima ng madugong kampaniya kontra iligal na droga.













