Muling itinakda ng Supreme Court ang pagdinig sa ilang petisyon na kumukuwestyon sa mga umano’y amendments at insertions sa pambansang pondo.
Batay sa inilabas na impormasyon ng Supreme Court, gaganapin ang oral arguments sa Hunyo 2, Hunyo 9, at Hunyo 16, 2026.
Isasagawa ito alas-9:30 ng umaga sa En Banc Session Hall at Division Hearing Room ng Korte Suprema sa Padre Faura, Maynila.
Tatalakayin sa mga pagdinig ang pinagsama-samang petisyon na inihain nina dating Albay Representative Edcel Lagman, dating Senate President Aquilino Pimentel III, at dating House Speaker Pantaleon Alvarez.
Kasama rin sa mga petitioner ang grupong Filipinos for Peace, Justice and Progress Movement Inc., gayundin sina dating Representative Edgar Erice at Representative Leila de Lima.
Matatandaang unang nagsagawa ng oral arguments ang Korte Suprema hinggil sa mga naturang petisyon noong Abril 2026.
Hiling ng mga petitioner na ideklarang unconstitutional ang mga umano’y pagbabago at isiningit sa national budget sa ilalim ng bicameral conference committee o tinatawag na amendments at insertions.














