Muling pinatunayan ni Filipina beauty queen Gazini Ganados ang kanyang lakas sa international pageantry matapos makapasok sa Top 3 ng Preliminary Swimsuit Competition ng Miss Grand International All Stars 2026 sa Bangkok, Thailand.
Batay sa inilabas na resulta ng kompetisyon, nakakuha si Gazini ng score na 9.79 dahilan upang mapasama siya sa mga may pinakamataas na marka sa gabi at mapalakas ang kanyang kampanya para sa kauna-unahang Miss Grand All Stars crown.
Nanguna sa swimsuit preliminary ang kandidata ng Ghana na si Faith na may score na 9.88 habang pumangalawa naman si Vanessa Pulgarin ng Colombia na may 9.84.
Ayon sa mga pageant observers at fans, muling ipinamalas ni Gazini ang kanyang commanding runway walk, confidence, at strong stage presence na naging dahilan upang makakuha siya ng mataas na marka mula sa mga hurado.
Kabilang din sa Top 15 preliminary swimsuit rankings ang mga kandidata mula Venezuela, Dominican Republic, Armenia, Ecuador, United Kingdom, at Thailand na nagpapakita ng matinding kompetisyon sa inaugural All Stars edition ng pageant.
Nauna nang nanguna si Gazini sa preliminary evening gown competition sa hanay ng mga Filipina candidates matapos makakuha ng average score na 9.39.
Gaganapin ang coronation night ng Miss Grand International All Stars sa Mayo 30 sa Bangkok, Thailand.














