Naniniwala ang World Health Organization o WHO na maaari pang mapigilan ang lumalalang Ebola outbreak sa Democratic Republic of Congo o DR Congo na kumitil na sa mahigit 200 buhay.

Dumating nitong Huwebes sa kabisera ng Kinshasa si WHO Director-General Tedros Adhanom Ghebreyesus upang personal na pangunahan ang pagtugon sa outbreak.

Nakatakda rin siyang bumisita sa Ituri province na siyang sentro ng pagkalat ng sakit sa northeastern DR Congo.

Ayon kay Tedros, mapipigilan pa ang outbreak at hindi aniya epektibo ang travel bans bilang paraan ng pagkontrol sa pagkalat ng Ebola.

Advertisement

Batay sa pinakahuling datos ng WHO hanggang Mayo 24, umabot na sa 10 kumpirmadong pagkamatay at 223 suspected deaths ang naitala mula sa mahigit 1,000 confirmed at suspected cases.

Babala naman ng WHO, posible pang mas malawak ang tunay na pagkalat ng sakit dahil matagal umano itong hindi natukoy.

Ito na ang ika-17 Ebola outbreak na naitala sa DR Congo.

Mas pinapahirap pa umano ang pagtugon sa outbreak dahil matatagpuan ang epicenter nito sa silangang bahagi ng bansa na matagal nang apektado ng kaguluhan at armadong labanan.

Nanawagan din si Tedros sa mga naglalabang grupo na magdeklara ng ceasefire upang hindi na madagdagan pa ang mga mamamatay dahil sa sakit.

Samantala, sinabi ng Africa Centres for Disease Control and Prevention o Africa CDC na posibleng magkaroon ng bakuna at gamot laban sa Bundibugyo strain ng Ebola bago matapos ang 2026.

Sa ngayon, wala pang aprubadong bakuna o lunas laban sa naturang strain na siyang sanhi ng kasalukuyang outbreak.

Nagpadala na rin ang WHO at UNICEF ng tone-toneladang tulong sa DR Congo habang naghigpit naman ang ilang bansa gaya ng Uganda at Estados Unidos laban sa posibleng pagpasok ng mga infected ng Ebola.

Advertisement