Inakusahan ni Senador Imee Marcos ang administrasyon ng umano’y pakikialam sa Senado kaugnay ng kontrobersyal na panukalang online voting para sa mga senador.
Sa isang mensahe sa Viber nitong Biyernes, sinabi ng kapatid ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na “very obvious” umano ang ginagawa ng administrasyon laban sa majority bloc ng Senado.
Ayon kay Senador Marcos, maging ang Pangulo umano ay nakikialam na sa usapin matapos nitong punahin ang panukalang amyendahan ang Senate rules upang payagan ang online voting o remote participation ng mga senador.
Nauna nang sinabi ni Pangulong Marcos na tila ginawa lamang ang naturang panukala upang payagang makalahok sa sesyon si Senador Ronald “Bato” dela Rosa kahit ito ay hinahanap ng mga awtoridad.
Iginiit din ng Pangulo na si Dela Rosa lamang umano ang pangunahing makikinabang sa online voting proposal.
Para naman kay Senador Imee, maituturing itong malinaw na paglabag umano sa hangganan ng kapangyarihan ng ehekutibo at lehislatura.
Sinabi rin ng senadora na tila nais umano ng administrasyon na pahinain ang Senado dahil sa pangambang may mabunyag sa posibleng imbestigasyon ng Blue Ribbon Committee.
Sa ngayon, wala pang inilalabas na opisyal na pahayag ang Malacañang kaugnay sa mga alegasyon ni Senador Imee Marcos.














