Ipagpapatuloy ng Senate Blue Ribbon Committee sa susunod na linggo ang imbestigasyon kaugnay ng umano’y anomalya sa bilyun-bilyong pisong flood control projects ng pamahalaan.

Ayon kay Senate President Alan Peter Cayetano, nagkasundo ang majority bloc ng Senado na bumuo ng subcommittee na tututok sa pagpapatuloy ng imbestigasyon, na pamumunuan ni Senador Rodante Marcoleta.

Sa isang Facebook livestream nitong Biyernes, sinabi ni Cayetano na sisimulan ang mga pagdinig sa Hunyo 4.

Giit ng Senate President, magiging patas umano ang imbestigasyon at layunin nilang mailabas ang buong katotohanan hinggil sa isyu.

Advertisement

Ang kontrobersiya sa flood control projects ay nagdulot ng malawakang protesta at sinasabing nakaapekto rin sa ekonomiya noong nakaraang taon.

Si Marcoleta ay dating chairperson ng Blue Ribbon Committee nang unang buksan ang imbestigasyon bago siya pinalitan ni Senador Panfilo “Ping” Lacson noong Setyembre 2025.

Sa kasalukuyan, si Senadora Pia Cayetano ang namumuno sa Blue Ribbon Committee matapos ang pagbabago sa liderato ng Senado nitong mga nakaraang linggo.

Sa ilalim naman ni Lacson, nakapaglabas na ng partial report ang komite ngunit pito lamang na senador ang lumagda rito, kulang sa siyam na kinakailangan upang maakyat ito sa plenaryo ng Senado.

Advertisement