Iminungkahi ni Senador Panfilo “Ping” Lacson ang alternatibong paraan upang makalahok ang mga senador na nahaharap sa posibleng pag-aresto o pagkakakulong sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte nang hindi kinakailangang gumamit ng online participation.

Ayon kay Lacson, maaaring humingi ang Impeachment Court ng pahintulot o “leave of court” mula sa Sandiganbayan o iba pang hukuman kung saan nakabinbin ang kaso ng mga apektadong senador.

Kapag pinayagan, maaari umano silang dalhin sa Senado ng Bureau of Jail Management and Penology o BJMP upang personal na makadalo sa impeachment proceedings.

Giit ni Lacson, hindi pinapayagan sa kasalukuyang Senate Rules ang online participation at voting maliban lamang kung may force majeure, matinding kalamidad, o national emergency.

Advertisement

Binigyang-diin din ng senador na ang impeachment trial ay isang espesyal na hukuman ng Senado na itinatag sa ilalim ng Konstitusyon kaya mahalaga umano ang pisikal na presensya ng mga senator-judges.

Nagbabala rin si Lacson na maaaring maging delikado para sa mga nagtatago o pinaghahanap ng mga awtoridad ang paggamit ng online participation dahil posible umanong matukoy ang kanilang lokasyon sa pamamagitan ng internet connection o IP address.

Sa kaso ni Senador Ronald “Bato” dela Rosa, sinabi ni Lacson na maaaring magamit ng law enforcement agencies ang online attendance upang matukoy ang kanyang kinaroroonan kung siya ay magla-log in gamit ang laptop o mobile device.

Si Dela Rosa ay nahaharap sa arrest warrant mula sa International Criminal Court kaugnay ng war on drugs ng administrasyong Duterte habang may ilang senador ding nahaharap sa mga kasong graft at plunder na konektado sa flood control scandal at campaign donation anomalies.

Advertisement