Posibleng magsumite ng mosyon sa Sandiganbayan ang kampo ni Senator Jinggoy Estrada upang hilingin na ilagay siya sa hospital arrest.
Ayon sa kaniyang abogado na si Atty. Noel Ostrea, bukod sa osteoarthritis ay may joint effusion din ang senador—isang kondisyon kung saan naiipon ang labis na likido sa tuhod.
Dahil dito, nahihirapan umano ang senador kahit sa simpleng pag-upo.
Giit pa ni Ostrea, batay sa kanilang impormasyon, maaaring hindi sapat ang karaniwang medikal na pamamaraan upang gamutin ang naturang kondisyon.
Kaugnay nito, isa sa mga opsyong tinitingnan ng kanilang kampo ang paghiling ng hospital arrest para kay Estrada.
Samantala, pinayagan na rin si Estrada na huwag nang personal na dumalo sa Sandiganbayan para sa kaniyang arraignment at sa halip ay lumahok na lamang sa pamamagitan ng online proceedings.













