Naniniwala si Congressman Terry Ridon, miyembro ng House Prosecution Team, na matutuloy ang impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte sa oras na makapag-convene ang Senate Impeachment Court.

Ayon kay Ridon nitong Sabado, Hunyo 6, nagpapatuloy ang paghahanda ng House Prosecution Team para sa inaasahang paglilitis. Aniya, hindi naapektuhan ng mga kaganapan sa Senado ang kanilang trabaho.

Kabilang sa kanilang mga tinututukan ang pagsasapinal ng mga dokumento, ebidensya, at listahan ng mga testigo na ihaharap sa impeachment trial. Layunin umano nitong matiyak na handa ang prosekusyon sa oras na magsimula ang pagdinig.

Iginiit din ni Ridon na iisa lamang ang Senado na may kapangyarihang tumayong impeachment court. Dahil dito, naniniwala siyang walang magiging kalituhan o hadlang sa pagpapatuloy ng proseso ng paglilitis.

Advertisement

Samantala, nagpahayag ng kumpiyansa ang House Prosecution Team sa lakas ng kanilang kaso. Umaasa silang mahihikayat ang mga senador na paboran ang kanilang panig sa sandaling mailatag ang mga ebidensya sa impeachment trial.

Advertisement