Tiniyak ni Executive Secretary Ralph Recto na agad na kikilos ang pamahalaan upang maipamahagi ang emergency assistance at recovery funds para sa mga pamilyang naapektuhan ng Magnitude 7.8 na lindol sa Mindanao.

Ayon kay Recto, nakahanda at ganap nang naka-mobilisa ang buong makinarya ng gobyerno upang mabilis na maihatid ang kinakailangang tulong at suporta sa mga apektadong komunidad.

May kabuuang P34.23 bilyon na nakalaan sa National Disaster Risk Reduction and Management Fund (NDRRMF), kabilang ang P11.95 bilyong Quick Response Fund, para sa relief operations at rehabilitasyon ng mga nasalanta.

Nagsimula na rin ang pamahalaan sa pagpapalabas ng ayuda, kung saan P362 milyon ang naipamahagi sa mga lokal na pamahalaan at P278 milyon naman ang inilaan ng Office of the President para sa iba’t ibang lalawigan sa Mindanao.

Advertisement

Kabilang sa assistance package ang cash aid, pagkain, gamot, at burial assistance na inaasahang makatutulong sa halos 90,000 pamilya.

Samantala, patuloy ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa distribusyon ng food packs at iba pang ayuda. Kasabay nito, nagsasagawa rin ng mga kaukulang programa ang Department of Health (DOH), Department of Labor and Employment (DOLE), Government Service Insurance System (GSIS), Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD), at iba pang ahensya upang matugunan ang pangangailangan sa kaligtasan, kabuhayan, at pabahay ng mga naapektuhan ng kalamidad.

Advertisement