Dumating sa Department of Justice (DOJ) si Atty. Levito Baligod kasama ang ilang miyembro ng 18 dating bodyguard upang ihanda ang kanilang kontra-salaysay kaugnay ng reklamong cyber-libel at libel na inihain laban sa kanila ni La Union Rep. Paolo Ortega.
Ayon kay Atty. Baligod, layunin ng kanilang pagpunta sa DOJ na mapanumpaan ang kanilang counter-affidavit na isusumite sa San Fernando City Prosecutors Office sa La Union. Ipinaliwanag niya na isinagawa na nila ang panunumpa sa DOJ upang maipadala na lamang ang kopya ng dokumento sa pamamagitan ng koreo o “via mail” sa piskalya sa darating na Lunes.
Ang reklamo laban sa mga dating bodyguard ay may kaugnayan sa alegasyon ng pagtanggap ng maleta, na naging dahilan ng pagsasampa ni Rep. Ortega ng kasong cyber-libel at libel laban sa kanila.
Ayon sa kampo ng mga respondent, kanilang itinatanggi ang mga alegasyon at umaasa silang mababasura ang mga kasong isinampa laban sa kanila. Giit nila, dapat ding isaalang-alang ang usapin ng hurisdiksyon dahil ang ilan sa mga reklamong inihain ay umano’y nasa labas ng saklaw ng Quezon City Prosecutors Office.
Samantala, inaasahang magiging bahagi ng pagsusuri ng mga awtoridad ang mga isinumiteng affidavit at iba pang ebidensyang ilalahad ng magkabilang panig bago maglabas ng kaukulang rekomendasyon sa kaso.














