Naniniwala ang Malacañang na bahagi ng estratehiya ng House prosecution ang pagbanggit kay “Mary Grace Piattos” bilang isa sa mga testigong ihaharap sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
Ito ang naging pahayag ng Palasyo matapos kumpirmahin ni House prosecutor at Manila 3rd District Rep. Joel Chua na kabilang si “Mary Grace Piattos” sa 25 testigong ihaharap ng prosekusyon, partikular kaugnay ng isyu sa confidential funds.
Ayon kay Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro, nasa pagpapasya ng prosekusyon kung sinu-sino ang kanilang tatawaging mga testigo sa paglilitis, at bahagi ito ng kanilang legal na diskarte.
Gayunman, sinabi ni Castro na batay sa tala ng Philippine Statistics Authority (PSA), wala umanong rekord ng pangalang “Mary Grace Piattos,” kaya maaaring maging hamon ang pagtukoy sa naturang indibidwal.
Samantala, hinikayat ni Rep. Joel Chua ang kampo ni Vice President Duterte na iharap si “Mary Grace Piattos” sa impeachment trial upang malinawan ang kontrobersiya kaugnay ng umano’y paggamit ng confidential funds.
Ayon kay Chua, nananatili sa listahan ng mga testigo ng prosekusyon si “Mary Grace Piattos” dahil itinuturing nila itong mahalagang saksi sa isyu ng confidential funds.
Aniya, kung may taong haharap bilang “Mary Grace Piattos,” maaari itong sumailalim sa cross-examination. Subalit kung walang lalantad, sinabi niyang lalo lamang nitong palalakasin ang hinalang hindi tunay ang naturang pagkakakilanlan.
Binigyang-diin din ni Chua na lumitaw ang pangalang “Mary Grace Piattos” sa mga acknowledgment receipt na ginamit sa liquidation ng confidential funds ng Office of the Vice President.
Dagdag pa niya, kung code name lamang ang “Mary Grace Piattos,” nararapat umanong ilantad ng depensa ang tunay na pagkakakilanlan ng taong nasa likod nito upang tuluyang mabigyang-linaw ang isyu.














