Iginiit ni Bicol Saro Party-list Representative Terry Ridon na walang epekto sa impeachment case ni Vice President Sara Duterte ang inilabas na unmodified opinion ng Commission on Audit (COA).

Ayon kay Ridon, ang unmodified opinion na ibinigay ng COA ay nangangahulugan lamang na sa pagsusuri ng ahensya, ang financial statements ng isang tanggapan ay naihanda nang naaayon sa umiiral na accounting standards. Aniya, hindi ito nangangahulugang wala nang maaaring usapin sa pananagutan o iba pang legal na isyung maaaring kaharapin ng isang opisyal.

Binigyang-diin din ng mambabatas na ang impeachment case ay nakabatay sa mga reklamong inihain at sa mga ebidensyang ihaharap sa paglilitis, at hindi sa resulta ng audit opinion ng COA. Dagdag pa niya, magkaiba ang saklaw at layunin ng audit ng COA at ng impeachment proceedings.

Mariin ding sinabi ni Ridon na walang magiging hadlang ang naturang audit opinion sa pagpapatuloy ng proseso ng impeachment. Aniya, nakatakda pa ring ituloy ang paglilitis kay Vice President Sara Duterte sa Hulyo 6, alinsunod sa itinakdang iskedyul.

Advertisement

Una nang naging usap-usapan ang inilabas na unmodified opinion ng COA sa Office of the Vice President, subalit iginiit ni Ridon na hindi ito dapat gamitin bilang batayan upang kuwestiyunin o ihinto ang nagpapatuloy na impeachment proceedings laban sa bise presidente.

Advertisement