Naka-heightened alert na ang National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) at ang 44 na miyembro nitong ahensya bilang paghahanda sa posibleng epekto ng Super Typhoon Bavi na nananatili pa ring nasa labas ng Philippine Area of Responsibility (PAR).
Batay sa pagtataya ng weather bureau, inaasahang papasok sa PAR ang Super Typhoon Bavi sa gabi ng Martes o sa umaga ng Miyerkules at bibigyan ito ng lokal na pangalang Inday.
Ayon kay Office of Civil Defense (OCD) Administrator Assistant Secretary Bernardo Rafaelito Alejandro IV, mahigpit na nilang minomonitor ang galaw ng bagyo simula pa noong weekend. Inatasan na rin ang lahat ng miyembrong ahensya ng NDRRMC na tiyaking nakahanda ang kanilang mga disaster response measures.
Bukod sa bagyo, patuloy ding binabantayan ng mga awtoridad ang pinalakas na southwest monsoon o hanging habagat na nagdudulot ng malalakas na pag-ulan sa western seaboards ng Region I hanggang Region IV-B, partikular sa Palawan.
Samantala, inilagay na rin ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa mataas na alerto ang mga disaster response unit nito bilang paghahanda sa inaasahang pagpasok ng bagyo.
Nakaposisyon na rin sa iba’t ibang bahagi ng bansa ang humigit-kumulang 4.775 milyong family food packs upang matiyak ang agarang pagtugon sa mga maaapektuhang komunidad sakaling magkaroon ng kalamidad.












