Kumpirmadong nagpositibo ang Siyam (9) na empleyado ng Lokal na Pamahalaan ng Naga sa paggamit ng methamphetamine o shabu matapos ang isinagawang confirmatory drug test ng Department of Health (DOH). Ito ay mula sa 100 piling empleyado na sumailalim sa random drug testing noong huling bahagi ng Mayo, kung saan 11 ang unang nagpositibo sa paunang urine test.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Anselmo Maño (City Human Resource Management Officer, Naga City), isasailalim sa beripikasyon ang mga rekord ng mga empleyadong nagpositibo, kabilang ang ilan na mahigit 20 taon nang naninilbihan sa gobyerno. Binigyang-diin ng administrasyon ni Mayor Leni Robredo na layunin ng programa na mapanatili ang isang malinis at drug-free na workplace at mapalakas ang integridad sa serbisyo publiko.

Alinsunod sa mga patakaran ng Civil Service, ang mga permanenteng empleyadong nagpositibo ay bibigyan ng pagkakataong sumailalim sa rehabilitasyon at maaaring gamitin ang kanilang naipong sick leave at vacation leave habang nasa gamutan. Samantala, ang mga Job Order (JO) at Contract of Service (COS) personnel na magpopositibo ay hindi na muling kukunin sa serbisyo, habang ang mga tatanggi sa rehabilitasyon ay maaaring maharap sa kasong administratibo at posibleng matanggal sa trabaho.

Nagpatupad din ang LGU-Naga ng wellness at mental health program upang mabigyan ng counseling at suporta ang mga empleyadong sasailalim sa rehabilitasyon. Kasabay nito, paiigtingin ng lokal na pamahalaan ang regular na random drug testing, monitoring, at pagpapatupad ng whistleblower policy bilang bahagi ng layunin nitong mapanatili ang isang ligtas, maayos, at drug-free na kapaligiran sa pamahalaang lungsod.

Advertisement
Advertisement