Sa ikatlong araw ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte nitong Miyerkules, Hulyo 8, iginiit ng kanyang kampo na ang umano’y mga pahayag na itinuturing na pagbabanta laban kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ay bunga ng matinding emosyon matapos arestuhin ang kanyang chief of staff na si Zuleika Lopez.

Ayon sa depensa, labis na nabalisa ang Bise Presidente nang i-detain ng House of Representatives si Lopez matapos itong ma-contempt sa isinasagawang imbestigasyon kaugnay ng paggamit ng confidential funds ng Office of the Vice President.

Sa pagdinig, ipinakita ng kampo ni Duterte ang isang video kung saan makikitang umiiyak at tumututol si Lopez sa planong ilipat siya sa Women’s Correctional Facility habang nasa kustodiya ng Mababang Kapulungan.

Gayunman, nilinaw ng depensa na hindi nila ipinahihiwatig na tama o katanggap-tanggap ang mga umano’y pagbabanta. Anila, layunin lamang nilang ipaliwanag ang mga pangyayaring nagbigay-konteksto sa naturang isyu.

Advertisement

Samantala, pinaalalahanan ni Senate President Francis “Chiz” Escudero ang mga senator-judges na umiwas sa pagtatanong ng mga maaaring magtulak sa mga abogado na magbigay ng legal na konklusyon.

Patuloy na dinidinig ng impeachment court ang Article IV ng impeachment complaint laban kay VP Sara Duterte. Ang bahaging ito ng reklamo ay tumatalakay sa umano’y grave threats at sa alegasyong may planong pananakit laban kina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos, at dating House Speaker Martin Romualdez.

Advertisement