Pinaghihinalaang ng pamahalaan ng France, ang Islamic Revolutionary Guard Corps (IRGC) ng Iran ang nasa likod ng serye ng cyberattack na nagmanipula sa temperatura ng mga refrigerator at freezer sa ilang supermarket sa buong bansa noong nakaraang buwan.

Ayon kay French Foreign Minister Jean-Noël Barrot, ang insidente ay maituturing na “unprecedented in both its scale and its level of aggression.” Nagbabala rin siya na pananagutin at papatawan ng mga kaukulang parusa ang mga indibidwal na mapatutunayang sangkot sa pag-atake.

Binigyang-diin ng kalihim na ito ang kauna-unahang malawakang cyberattack na naglalayong magsagawa ng sabotahe sa loob mismo ng teritoryo ng France. Dahil dito, ipinatawag ng French government ang embahador ng Iran sa Paris upang ihayag ang matinding pagtutol at pagkondena sa naturang insidente.

Batay sa ulat, noong Oktubre 11, nakapasok ang mga hacker sa software na kumokontrol sa temperatura ng mga cooling system ng mahigit 100 Coopérative U supermarkets at 180 sangay ng Intermarché at Netto. Dahil sa manipulasyon, umabot umano sa 50°C ang temperatura ng ilang freezer sa magdamag, na nagresulta sa pagkasira at pagkakatapon ng napakaraming toneladang frozen food.

Advertisement

Kaugnay nito, sinimulan na ng Paris prosecutor’s office ang imbestigasyon laban kay Shahid Kaveh, na umano’y namumuno sa offensive cyber unit ng IRGC, kasama ang dalawa nitong kinatawan. Gayunman, itinanggi ng ilang Iranian media outlet ang mga paratang at iginiit na wala umanong sapat na batayan ang mga alegasyon.

Advertisement