Nagpaalala ang Department of Labor and Employment (DOLE) sa mga pribadong kumpanya tungkol sa tamang pagbibigay ng 13th month pay sa kanilang mga empleyado alinsunod sa umiiral na batas.
Ayon sa DOLE, dapat maipamahagi ang nasabing benepisyo sa mga manggagawa bago o hindi lalampas sa Disyembre 24, 2026.
Tiniyak din ng ahensya na mahigpit na susubaybayan ng mga regional at provincial office nito ang pagsunod ng mga pribadong kumpanya sa itinakdang panahon ng pagbibigay ng 13th month pay.
Batay sa advisory ng DOLE, katumbas ng 1/12 ng kabuuang basic salary na kinita ng isang empleyado sa loob ng isang taon ang halaga ng kaniyang 13th month pay.
Nilinaw rin ng ahensya na may karapatan pa ring makatanggap ng 13th month pay ang mga empleyadong nagbitiw sa trabaho, batay sa haba ng kanilang panahong ipinagtrabaho sa kumpanya sa nasabing taon.












