Mas maagang lilipad patungong Malaysia ang Gilas Pilipinas sa Nobyembre 21 bilang paghahanda sa ikalimang window ng FIBA World Cup Asian Qualifiers.

Layunin ng maagang pagdating na mabigyan si head coach Tim Cone at ang national team ng hanggang limang araw upang makapag-adjust sa kapaligiran ng Seremban City at makasanayan ang playing court sa Karisma Arena.

Plano rin ni Cone na magsagawa ng mini-camp sa Malaysia upang higit na mapalakas ang laro at tsansa ng Gilas na makakuha ng puwesto sa FIBA World Cup na gaganapin sa Doha, Qatar sa susunod na taon.

Sa Nobyembre 22 naman inaasahang darating ang ilang overseas players na sina Dwight Ramos, AJ Edu at Kevin Quiambao. Posible ring makasama sa koponan si Kai Sotto.

Advertisement

Inaasahan din ang pagdating at paglalaro ng bagong naturalized player ng Pilipinas na si Bennie Boatwright.

Sa kasalukuyan, hawak ng Gilas ang 4-4 win-loss record at nasa solo fifth place sa Group E. Nangunguna sa grupo ang Australia, kasunod ang New Zealand, Iran at Jordan.

Tiyak na ang pag-usad ng Australia sa World Cup, habang inaabangan pa kung aling dalawang koponan ang susunod na makakakuha ng awtomatikong tiket mula sa grupo.

Unang sasagupain ng Gilas ang Syria sa Nobyembre 27 bago muling harapin ang Iran sa Nobyembre 29 sa kanilang ikalawang laban sa nasabing qualifying window.

Advertisement