Magpapatupad ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ng pansamantalang pagbabago sa operating at delivery hours ng mga shopping mall at commercial centers sa Metro Manila simula Nobyembre 16 upang maibsan ang inaasahang pagsisikip ng trapiko ngayong Kapaskuhan.

Batay sa anunsyo ng ahensya nitong Martes, napagkasunduan ng MMDA at mga mall operator na buksan ang mga shopping mall mula alas-11 ng umaga hanggang alas-11 ng gabi. Mananatili ang naturang iskedyul hanggang Disyembre 25 o Araw ng Pasko.

Kasabay nito, lilimitahan din ang delivery operations sa mga commercial center at papayagan lamang ito mula alas-11 ng gabi hanggang alas-5 ng madaling araw. Hindi naman kabilang sa restriksiyong ito ang paghahatid ng mga perishable goods gaya ng pagkain at yelo.

Pinapayagan pa rin ang mga indibidwal na tindahan sa loob ng mga mall na magsagawa ng sales anumang araw, basta’t walang kasabay na pampublikong anunsyo, commercial o promotional banners. Gayunman, ang mga mall-wide sale ay maaari lamang idaos tuwing weekend.

Advertisement

Inaatasan din ang mga mall operator na magsumite ng kanilang local traffic management plans dalawang linggo bago magsagawa ng malalaking sale o promotional events upang maayos na mapaghandaan ng MMDA ang pagtalaga ng mga traffic enforcer.

Samantala, hindi saklaw ng bagong mall operating hours ang mga restaurant, supermarket at government service center sa loob ng mga shopping mall, na maaari pa ring sumunod sa kanilang regular na oras ng operasyon.

Advertisement